MANILA, Philippines – May bagong fare matrix ba ang jeep na sinasakyan mo?
Kamakailan, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag na P2 sa minimum fare ng mga dyip, mula sa P8 ito ngayo'y P10 na.
Ayon sa mga opisyal, tanging ang mga dyip na may bagong fare matrix na nagsasabing P10 na ang pamasahe ay ang siya lamang puwedeng maningil nito.
Hindi pa lahat ng mga operator at drayber ng dyip ay may mga fare matrix dahil sa namamahalan pa raw ang ibang magproseso nito.
Ayon sa LTFRB, wala pa sa 4,000 na mga dyip ang may bagong fare matrix. Sa bilang na ito, 500 ang galing sa Central Office, 1,500 mula sa Metro Manila, 1,039 sa Gitnang Luzon, at 956 sa Timog Katagalugan.
Bakit kinakailangan ng bagong fare matrix?
Ang fare matrix ay gabay para sa mga pasahero upang malaman kung tama ba ang singil sa kanila ng mga drayber.
Ito ay opisyal na dokumento mula sa LTFRB na nagsasaad pag-apruba ng tamang pasahe at singil sa kada kilometro ng biyahe.
Makikita rin dito ang plaka at official registration number ng sasakyan, at lagda ng LTFRB upang malaman na ito ay may lehitimong prangkisa.
Paano nakakakuha ng fare matrix?
Kinakailangang magtungo ang mga drayber at operator sa LTFRB kung saan nakarehistro ang prangkisa nila para kumuha ng request form.
Pagkatapos sagutan ang form, kailangang magbayad ng P510 para sa tinatawag na "rate increase" at P10 kada prangkisa. P50 naman ang bayad para sa bawa't kopya ng fare matrix kada isang dyip.
Halimbawa, kung operator ka na may 10 dyip, kinakailangan mong magbayad ng P520 at dagdag na P500 para sa mga fare matrix.
Noon, kinakailangang magbayad ng dagdag na P40 para sa pag-verify ng mga prangkisa. Pinatanggal ito ni LTFRB Chairman Martin Delgra III nitong Nobyembre.
Bakit may singil para makakuha ng fare matrix?
Ang paniningil sa pagpo-proseso ng bagong fare matrix ay alinsunod sa Department Order No. 2001-82.
Isinasaad ng batas na ito na lahat ng makokolekta ng LTFRB ay mapupunta sa National Treasury, parte ng mga kita ng gobyerno.
Sabi ni Delgra, kanila ring pag-aaralan ang mga singil na nakasaad sa DO 2001-82, dahil matandang batas na ito. – Rappler.com